KISLAP NG ALITAPTAP


Brian James Camaya

Sabi ni Itay lumalabas daw ang kagandahan ng anumang bagay kapag ito ay iyong itatapat sa liwanag ng mga alitaptap. Sa pamamagitan daw ng asul na ilaw na dala ng mga alitaptap, lumalabas ang lahat ng detalye ng mga bagay na itatapat dito. Ito marahil ang dahilan kung bakit umuukit lamang si Itay sa liwanag na dulot ng mga alitaptap na kanyang ikinulong sa isang garapon upang magsilbing lampara sa kadiliman ng gabi.

 Ang paghuli sa mga alitaptap ay isang gawaing kinapapanabikan namin ni Dolores, ang aking pitong taong gulang na kapatid. Kapag maganda ang panahon at ang hangin ay ‘di gaanong kalamigan, alam namin ng aking nakababatang kapatid na matapos kumain ng hapunan ay tutungo kaming mag-aama sa bukid upang bigyang liwanag ang lamparang alitaptap.

 Bumabalik kami sa aming tahanan kapag mayroon nang sapat na dami ng alitaptap sa loob ng garapon upang ito’y makapagbigay ng ilaw na kasing liwanag lamparang gaas. Sa pagbukas pa lamang ng pintuan ay agad nang nagkukulay asul ang lahat ng bagay na napapaloob sa mga pawid na dingding ng aming tahanan dulot ng ilaw na dala ng mga alitaptap. Si Itay ay tutungo sa mesang nasa  may bintana at magsisimulang bigyan ng bagong anyo ang walang hugis na kahoy sa kanyang harapan gamit ang kanyang maso at paet. Sabik ngunit tahimik namin siyang panonoorin ni Dolores. Aabangan namin kung anong hayop, bagay, o kung sinong bayani o santo ang kanyang bibigyang buhay. Sa buong labinlimang taon kong pamumuhay, batid kong pinakamasaya si Itay kapag hawak ang kanyang maso at paet.

 May panahong natigil si Itay sa pagbibigay-buhay sa mga nanunuyong kahoy. Ito ay naganap limang taon na ang nakalilipas noong kami’y nilisan ni Inay. Nagpaalam sa amin si Inay na mamamalengke lamang sa bayan ngunit hindi na namin siya muling nakita. May ilang linggo ring hinintay ni Itay ang kanyang pagbabalik sa paniniwalang nagtungo lamang si Inay sa tahanan ni Lola  upang mamahinga. Tumigil lamang si Itay sa paghihintay noong may nakapagsabi sa kanyang sumama raw si Inay sa isang negosyanteng taga-Maynila.

 Ngayo’y muli naming pinagmamasdan si Itay. Bibigyang buhay niya ang Santo Niño na siyang hiniling ng isang matandang biyuda. Ihahandog daw umano ang imahe sa malaking simbahan sa kabayanan upang ilagay sa may altar kung kaya’t ipinagbilin ng biyuda kay Itay na gawin ang pinakamagandang Santo Niño sa buong lalawigan gaano man kalaki ang halaga nito.

 Matagal-tagal na rin ang oras na lumipas magmula nang mag-umpisa si Itay sa paglililok sa santo at kaming tatlo ay dinalaw na ng antok. Marami-rami ring nagawa si Itay. Medyo malinaw na ang hugis ng isang batang nakatayo at tila nanunumpa sa watawat ang kanang kamay ngunit hindi pa rin matutukoy na si Santo Niño ang batang ito maliban na lamang kung babanggitin ito ni Itay. Sa asul na liwanag ng mga alitaptap ay napakalinaw pagmasdan ng kahoy na inuukit. Kitang-kita ko ang lahat ng detalye nito at ang mga guhit ng kahoy na bakas ng buhay na kinitil mula sa puno. Matapos walisin ni Itay ang mga pira-pirasong kahoy, kanyang kinuha ang garapon at siya’y nagtungo sa may bintana. Binuksan niya ang takip at hinayaang lumipad palabas ang lahat ng alitaptap. Napuno ang labas ng aming tahanan ng mga bituing nagsasayawan habang kaming mag-aama ay nakangiting nanood. Sabi ni Itay dapat daw pakawalan ang mga alitaptap upang ang mga ito’y hindi manghinawa sa paninilbihan.

 Kinagabihan ay maganda ang panahon at angkop muli upang makapanghuli ng mga alitaptap. Gaya nang dati’y nananabik kami ni Dolores na matapos ang hapunan upang kami’y magtungo na sa  bukid. Ngunit nagulat kaming pareho nang sabihin ni Itay na ako lamang ang pupunta sa bukid ngayong gabi. Ngayon lamang ginawa ni Itay ang ganitong bagay kung kaya’t lubos kaming nagtaka. Sinunod ko na lamang ang utos ni Itay  ng walang tanong-tanong sapagkat naniniwala akong mayroon siyang dahilan upang gawin ito. Agad akong lumabas ng bahay tangan ang garapong mayamaya lamang ay magiging lampara at tinungo ko ang bukid nang mag-isa.

 Nang makita kong mayroon nang sapat na liwanag ang garapon, ako’y nagbalik na sa aming tahanan. Noon ko nalaman na mahirap palang hulihin ang liwanag kahit na napapaligiran ka nito. Sa aking pag-uwi’y nadatnan ko si Dolores sa may pintuan ng aming kubo. Tinanong ko siya kung bakit siya umiiyak ngunit hindi na siya nakasagot sapagkat agad-agarang isinigaw sa akin ni Itay na nakagalitan daw niya si Dolores sapagkat pinaglaruan nito ang kanyang maso. Pinapasok ko si Dolores sa loob ng bahay ngunit tumanggi ito. Sa liwanag nang hawak kong lamparang alitaptap, aking nakita sa mga mata ni Dolores ang matinding takot. Inisip ko na dulot marahil ito ng palong natanggap mula kay Itay kaya’t hindi ko na siya inusisa. 

 Pumasok ako sa bahay at iniabot kay Itay ang lamapara. Mabilis niya itong hinablot at agad siyang nag-umpisa sa paglililok sa santo. Habang pinagmamasdan ko ang maingat na pagkilos ng kanyang kamay, napansin ko na tila hindi kasing liwanag ng dati ang lamparang alitaptap. Naisip ko na baka kulang ang hinuli kong alitaptap. Hindi ko na lang ito ininda nang makita kong hindi naman napansin ni Itay ang paglamlam ng liwanag.

 Ganoon muli ang nangyari noong sumunod na gabi. Mag-isa na naman akong nanghuli ng mga alitaptap samantalang sina Itay at Dolores ay muling naiwan sa bahay. Katulad din ng kagabi ay tiniyak kong may sapat na dami ng alitaptap sa loob ng garapon. At katulad din ng kagabi ay muli kong dinatnan si Dolores na umiiyak sa labas ng aming tahanan. Tinanong ko siya kung bakit siya umiiyak at nang kanyang binuksan ang kanyang bibig upang tumugon ay biglang dumungaw si Itay at galit na inutos sa amin na kami’y pumasok. Katulad din ng nangyari kagabi, tila kulang na naman ang alitaptap na aking hinuli. Halos hindi ko makita ang Santo Niñong inuukit ni Itay ngunit hindi pa rin napansin ni Itay ang kadiliman.

 Ganito ang mga pangyayari noong mga sumunod na gabi. Ako’y magtutungo sa bukid at sina Itay at Dolores ay naiiwan sa aming tahanan. Sa aking pag-uwi’y daratnan kong tahimik na umiiyak si Dolores sa may pintuan. Ilang ulit ko siyang sinubukang tanungin ngunit sa bawat pagkakataon ay dumarating si Itay upang putulin ang aming pag-uusap. Sa umaga naman kapag siya’y tinatanong ko kung bakit siya umiiyak noong nakaraang gabi ay hindi siya umiimik. Tinititigan lamang niya ako ng isang titig na puno ng takot at pagtatago.

 Walong gabi magmula noong umpisahan ni Itay ang pag-uukit sa Santo Niño ay hindi ko nagawang manghuli ng mga alitaptap sapagkat umuulan. Sa unang pagkakataon sa loob ng pitong araw ay nakita kong nakangiti si Dolores. Maagang natulog si Itay noong gabing iyon. Marahil ay nainis siya’t hindi niya nagawang tapusin ang Santo Niñong naghihintay na lamang na ukitan ng mga mata.

 Sinamantala ni Dolores ang pagkakataong ito upang ilahad sa akin ang isang bagay na ni minsa’y hindi ko naisip na maaaring mangyari sa isang pamilyang tulad ng sa amin. Walang tigil ang pag-agos ng luha mula sa mga mata ni Dolores at ang kanyang buong katawa’y nangingig. Sa bibig ko’y walang lumalabas kunid katahimikan at ang buong katawan ko’y inakap ng ginaw. Hindi ko alam kung ako’y iiyak o magagalit habang pinakikinggan ko ang pagkuwento ni Dolores kung paano siya paulit-ulit na sinasaksak ni Itay ng kutsilyong laman.

 Inilarawan ni Dolores ang lahat ng mga nagaganap sa tuwing ako’y aalis upang manghuli ng mga alitaptap. Nakita ng mata ng aking isipan si Dolores na nakahiga sa papag, walang saplot ang payat na katawan at ang mga kamay ay mahigpit na nakagapos upang siya ay hindi makapalag. Ang kanyang bibig ay tinatakpan ng malalaki’t magaspang na kamay ni Itay, mga kamay na siya ring lumikha sa inosenteng Santo Niño. Hirap na hirap siyang huminga sa ilalim ng mabigat na katawan ni Itay at ang kanyang mga binti’y pilit na pinaghihiwalay. 

 Nawalan ng lakas ang aking katawan matapos marinig ang lahat ng ito. Wala akong nagawa kundi ang umiyak at yakapin si Dolores. Sa higpit ng aking pagkakayakap ay naramdaman ko pa rin ang paglisan ng kabataan ni Dolores.

 Maganda ang panahon nang sumunod na gabi. Alam kong mamaya-maya lamang ay muli akong uutusan ni Itay upang manghuli ng alitaptap. Tahimik kong ipanagdarasal na sana’y hindi dumating ang pagkakataong ito. Ngunit tila hindi narinig ng mga santo ang aking panalangin sapagkat matapos naming  maghapunan ay bingikas ni Itay ang mga salitang ipinanalangin kong huwag marinig. Tinitigan ko si Dolores, ang mga mata niya’y tila ibinubulong sa aking huwag ko siyang iiwanan. Sinabi ko kay Itay na masama ang pakiramdam ko at tila ako’y dadapuan ng lagnat. Hindi niya pinansin ang mga daing ko. Itinulak niya ako palabas at inihagis ang garapon sa lupa.

 Puno ng luha ang aking mga mata habang pilit kong hinahabol ang mga nagliliparang liwanag. Nagmamadali akong punuin ng liwanag ang garapon upang agad akong makauwi at pigilan ang pagdurusa ni Dolores. Nakikita ko kung paano siya hinahalikan ni Itay sa mga panahong iyon, kung paano inaalis ni Itay ang saplot sa katawan niya at kung paano umiiyak si Dolores sa bawat pagbaon ni Itay. Ikinulong ko ang lahat ng mga alaalang ito sa garapon. Nais kong ibaon sa lupa ang mga alitaptap ngunit ako’y nagmamadaling makabalik. Hindi naging sapat ang bilis ng aking pagtakbo pauwi sapagkat muli kong dinatnan si Dolores na umiiyak. Inakap ko siya at sa pagkakataong ito ay hindi ko na siya tinanong kung bakit siya umiiyak. Lumapit si Itay upang kunin ang lamaparang alitaptap. Iniabot ko ang lamapara kasabay ng titig na nagpapahiwatig ng galit. Hindi siya makatitig, naintindihan niya ang sinabi ng aking mga mata.

 Inumpisahan ni Itay ang pag-ukit sa mga mata ng Santo Niño. Ngunit sa unang pagguhit pa lamang ng kanyang matalim na paet sa mukha ng inosenteng santo ay nawala ang liwanag ng lamaparang alitaptap. Akala ko’y tulad ng mga nakaraang gabi’y ako lamang ang nakapuna sa kadiliman ngunit nalaman kong hindi pala sapagkat sinindihan ni Itay ang gasera. Tuluyan nang nawala ang liwanag ng mga alitaptap.
 

 Nilisan namin ni Dolores ang aming tahanan isang gabing umuulan habang mahimbing na natutulog si Itay. Ang una naming pinuntahan ay ang simbahan sapagkat naniniwala kami na doon ay maaaring kaming magdasal sa Panginoon na kami’y tulungan at alagaan. Ngunit hindi namin nagawang manalangin sapagkat sa aming pagpasok sa simbaha’y nakita naming taimtim na dinarasalan ng mga tao ang Santo Niñong inukit ni Itay. 
 
 
Main
Next